Nakaka-high talaga ‘to! P3.6-B halaga ng shabu sinilid sa kahon ng chicharon, fish cracker

Kilo-kilong shabu ang nasabat ng pinagsanib pwersa ng NBI, PDEA, at BOC sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga. Nadiskubreng nakasilid sa mga kahon ng chicharon at fish crackers ang shabu.

Nauwi sa tagumpay ang tatlong-taong operasyon ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Bureau of Customs (BOC) nang masakote nito ang 560 kilos ng shabu sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga kamakailan lang.

Ayon sa mga awtoridad, isang drug syndicate ang nasa likod ng malakihang operasyon na ito, kung saan ipinamamahagi nila ang shabu na nakasilid sa mga kahon ng chicharon at fish crackers.

Kaugnay nito, sinabi ng PDEA na iimbestigahan nito kung nakaapekto ba ang amoy ng pagkain sa pag-detect ng droga, na siyang isang posibleng dahilan kung bakit hindi ito nadiskubre agad.

Tinatayang aabot sa P3.6 bilyon ang halaga ng mga nasabat ng NBI, PDEA, at BOC, na pinakamalaki nitong taong 2023 ayon sa pulisya.