Nakabantay kami: Comelec bantay-sarado sa vote-buying at vote-selling

Nakakasa na ang Committee on Kontra Bigay ng Comelec upang bantayan ang vote-buying at vote-selling sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 30.

Matinding pagmamatyag laban sa vote-buying at vote-selling ang ipinapangako ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Upang matiyak ang layuning ito ay binuo na ang Comelec ang Committee on Kontra Bigay, isang permanenteng grupo para siyasating mabuti ang mga ulat sa pagbili at pagbebenta ng boto bago ang BSKE sa Oktubre 30.

“What used to be just a Task Force, an ad hoc committee in 2019, is now a standing and permanent committee of the Comelec. (It is) the only permanent committee of the Comelec dedicated to attacking what is truly an internal threat to democracy,” pagbibida ni Comelec commissioner Ernesto Ferdinand Maceda Jr., noong Biyernes, Setyembre 8, sa opisyal ng paglulunsad ng CKB.

Nagbabala rin si Maceda na hindi na business as usual para sa mga bumibili o nagbebenta ng boto dahil may kapangyarihan ang CKB at mga kawani nito na mag-imbestiga, mag-usig, at arestuhin ang mga lumalabag sa batas hinggil sa pagbili at pagbebenta ng boto.

Maaari ring tumulong ang publiko at ipagpaalam sa CKB ang mga kaso ng vote-buying and vote-selling sa hotline numbers nito na 02-8559-9947 or 02- 8567-4567 o sa email address na committee.kontrabigay@gmail.com.