Naka-isa na naman ang mga kriminal! Pre-registered SIM cards, pinaiikutan lang ang batas–Anti-cybercrime official

Bulto-bultong mga pre-registered SIM cards, natagpuan sa isang townhouse sa Pasig City at mga iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operators, ayon sa isang opisyal.

Tila nakahanap na naman ng panibagong diskarte ang mga sindikato ng kriminal na sangkot sa mga scam matapos matuklasan ng mga awtoridad ang pagbili nito ng mga pre-registered SIM cards ng buo, ayon sa isang eksperto sa cybercrime.

Ito ang obserbasyon ni Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) chief Alexander Ramos matapos makuha ng mga awtoridad ang 9,000 na libong pre-registered SIM cards sa sinalakay na townhouse sa Pasig City.

Nakuha rin ang bulto-bultong pre-registered SIM cards mula sa mga iligal na Philippine offshore gaming operators na nagmula sa iba’t ibang lugar, ayon pa kay Ramos.

“Itong sa Pasig malamang ito ‘yung nagma-manufacture. Siya ‘yung nangangalap nung mga suppliers at wholesale niyang binebenta,” sinabi ni Ramos sa isang panayam.

Maaaring ginagamit ang mga pre-registered SIM cards gamit ang pekeng detalye, o di kaya’t binibili ng paunti-unti sa mga supplier.

Kapag napagsama-sama na, ibabahagi ito muli sa operasyon ng sindikato ng scam, ayon pa sa opisyal.