Naka-ChatGPT rin ang mga scammer? AI-powered nakawan, uso na rin kaya publiko, pinag-iingat—PLDT

Tunay ngang hi-tech na ngayon. Sa katunayan, maging ang mga kawatan ay gumagamit na ng makabagong teknolohiya gaya ng artificial intelligence upang makapangloko. Kaya dapat na talagang mas mag-ingat sa mga scammer.

Nagbabala ang PLDT sa publiko na mag-ingat laban sa mga scam, lalo ngayong Kapaskuhan dahil gumagamit na ng artificial intelligence (AI) ang ibang mga kawatan.

Dahil diyan, nagiging mas kapani-paniwala ang mga modus ng mga kriminal dahil nagagaya nila ang estilo ng pagsusulat ng mga tao at nakagagawa sila ng mga imaheng tila totoo.

“AI-crafted emails contain more polished, personalized messages that imitate the writing style of humans. They contain authentic looking visual cues that trick victims into believing that they are reading official messages from their banks or organizations,” paliwanag ni Angel Redoble, ang chief information security officer ng PLDT, na siya ring nagpapatakbo sa Smart Communications Inc.

BASAHIN RINMaging maingat, mapanuri: CICC, pinag-iingat ang mga Pilipino sa mga online shopping scams

Sa katunayan, ayon sa pag-aaral ng grupong SoSafe, mas madaling nakukumbinsi ang mga tao na ibigay ang kanilang personal na impormasyon sa mga mensaheng gawa ng AI.

Kaya naman hinimok ni Redoble ang publiko na maging mas mapanuri sa mga natatanggap nitong email at mensahe.

Aniya, huwag rin basta-basta magki-click ng mga link o magbibigay ng sensitibong detalye ng hindi muna bineberipika ang mga mensahe.