‘Naiwan na tayo’: NEDA, hinimok ang pamahalaan na ituloy ang transport projects

Dapat ituloy lang ng gobyerno ang mga transport projects nito kahit pa balot sa kontrobersiya ang PUV Modernization Program nito, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.

Hindi dahilan ang mga alegasyon ng korupsiyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para itigil ang mga inisyatibo nitong may kinalaman sa sektor ng transportasyon, lalo pa ang mga infrastructure projects.

“We can’t afford to wait further. Naiwanan na tayo eh. That’s the urgency of this administration,” paliwanag ni National Economic Development Authority Planning Secretary Arsenio Balisacan sa isang pahayag nitong Biyernes, Oktubre 13.

Matatandaang iminungkahi ni Senador Grace Poe ang pagsuspindi sa PUV Modernization Program matapos madawit si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III sa mga alegasyon ng korupsiyon.

Para naman kay Balisacan, walang rason para patagalin pa ang mga proyekto kung wala namang kinalaman sa nasabing anomalya.

“I think that the infrastructure projects are already in the various stages of implementation and identification. The ones that we are implementing have been long well-identified there in the Public Investment Programs,” dagdag pa Balisacan.