Nagsalita na ang madalang pipol! Sapat na bilang ng pirma para sa People’s Initiative, nakamit na — mambabatas

Bagaman hindi pabor ang Senado sa People's Initiative dahil talo ito sa "numbers game," dapat nitong respetuhin ang boses ng taumbayan, ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, na nagsabing tapos na ang isinusulong na People's Initiative.

Tapos na ang boksing.

Umabot na sa sapat na pirma nang nakalap para masimulan na ang People’s Initiative para ma-amyendahan ang Saligang Batas, ayon kay Albay Rep. Joey Salceda.

“Yes, definitely as of last night [Martes, Enero 23], we’ve reached the 12.1 [percent] threshold,” sabi ni Salceda sa mga mamamahayag sa House of Representatives nitong Miyerkules, Enero 24.

Batay na rin sa 1987 Constitution, kailangang makuha ang pirma ng 12% ng mga botante sa buong bansa at 3 porsiyento mula sa kada isa sa 254 na distrito upang masimulan ang People’s Initiative.

Sa ilalim nito, pagbobotohan ng Kamara at Senado ang mga pagbabago sa Saligang Batas bilang isang kinatawan lamang.

Hindi naman pabor ang Senado rito, dahil nga talo ito sa bilang kumpara sa House of Representatives.

Para naman kay Salceda, dapat pakinggan ang boses ng taumbayan.

“Why don’t we listen to the people?” aniya.

Dagdag pa ng mambabatas ng Albay, ang susunod na hakbang ay ang pagsusumite ng petisyon sa Commission on Elections para beripikahin ang mga pirmang nakalap.