Nagngingitngit na siya! ‘Tirisin ang bukbok na gumugulo sa presyo ng bigas’—PBBM

Walang puwang sa bansa ang mga smuggler at hoarder ng basic commodities tulad ng bigas at agricultural products kaya sinisiguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mawawala ang mga ito sa lipunan.

Tila nauubos na ang pasensya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa perwisyong dulot ng mga rice smuggler at hoarder nang ipagutos niya sa buong kawanihan ng gobyerno na ipatupad ang lahat ng polisiya at batas para resolbahin ang krisis sa bigas.

Tinawag ng Pangulo ang mga smuggler at hoarder ng bigas na bukbok sa kanyang talumpati Martes ng umaga, Setyembre 26, sa Maynila kung saan pinangunahan niya ang pagbabahagi ng bigas sa mga Manilenyo.

“Ang bukbok na lubos na sumisira sa balanse ng supply at presyo ng bigas sa merkado [ay] ang hoarding at saka ang smuggling, at price manipulation na ginagawa ng mapagsamantalang mga negosyante,” ayon sa Pangulo.

“Sa Bagong Pilipinas, hindi na po ito puwede. Kaya inaatasan ko ang lahat ng mga opisyal, otoridad, at mga ahensya na higpitan nang husto ang pagpapatupad ng mga polisiya at batas hinggil sa isyu ng bigas,” dagdag pa ng Pangulo.

Iginiit ni Pangulong Marcos na may sapat na supply ng bigas ang buong bansa. Kaya lang nagkakaroon ng iregularidad sa presyo dahil sa mga hoarder at smuggler.

“Gaya nang sabi ko noong namahagi tayo ng bigas sa Camarines Sur noong isang araw po: sapat ang supply ng bigas dito sa Pilipinas. Ang kailangan lamang po ay ang maayos na pamamahala ng produksyon at bentahan nito. Sa katunayan, mas malaki ang ani natin noong second quarter ngayong taon kaysa sa second quarter ng nakalipas na taon,” ayon sa Pangulo.