Nagmagandang-loob na nga, nang-abala pa! Drayber ng SUV na nang-araro ng angkas ng rider sa Shaw Blvd., arestado

Nakuhanan ng video at agad nag-viral ang insidente, kung saan kitang-kita kung paano gulungan ng SUV ang biktima.

Arestado na ng mga awtoridad ang drayber ng isang sports utility vehicle (SUV) na nang-araro ng isang angkas ng rider noong madaling araw ng Sabado, Disyembre 23, sa kahabaan ng Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.

Nakuhanan ng video at agad nag-viral ang insidente, kung saan kitang-kita kung paano gulungan ng SUV ang biktima.

Kwento ni Daniel Paringit, ang rider na bahagi rin ng insidente, naroon siya para katukin ang pintuan ng SUV na matagal na umanong hindi gumagalaw.

“Nagmagandang-loob na lang kami na, tara tignan natin, check lang natin. Pagkita po namin, kinatok ko po ‘yung salamin. Tapos may natutulog pala, natutulog lang ‘yung driver. Hanggang noong magising po, nag-thumbs up, thumbs up na po kami,” ayon sa biktima.

Dito na pinaandar ng suspek ang SUV at ginulungan ang angkas ni Paringit, na nagtamo naman ng mga pasa at sugat.

“Noong ayaw po niyang tumigil, nag-a-accelerate siya. Tinry ko nang buksan [yung pintuan] para kunin ‘yung susi niya, o kaya pigilan siya or anything. Noong pagbukas na pagbukas, makikita niyo po sa video eh, pagbukas ko po ng pinto, noong pumasok ako para pigilan siya, hinarurot niya lalo,” dagdag ni Paringit.

Ayon naman sa Land Transportation Office-National Capital Region, paso na ang rehistro ng naturang SUV. Ang drayber naman nito ay mahaharap sa reckless imprudence resulting in serious physical injury, pati na rin sa paglabag sa Anti-Drunk Driving Act of 2013.