Naglipana na talaga ang plastic: Mga microplastic, natagpuan sa laman-loob ng bangus

May mga nadiskubreng microplastic ang mga researchers ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology sa mga bangus na pinag-aralan nito kamakailan lang.

Natuklasan ng mga mananalisik ang paglaganap ng microplastics (MPs) sa mga laman-loob ng isang adult-size na bangus, na isa sa pinaka-popular na uri ng isda sa bansa.

Ayon sa mga eksperto, dahil nagsisismula pa lamang ang pananaliksik tungkol sa microplastic sa bansa, hindi pa nila matukoy ang lawak ng pinsala nito sa kalusugan ng tao.

Batay sa pag-aaral ng isang grupo ng mananaliksik na pinangungunahan ni Kaye Similitan ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT), nadiskubre nilang 97% o 29 sa 30 na sample ng bangus na sinuri nila ay kontaminado ng MPs.

Ang mga sample na ito ay galing sa mga fish cage na nasa bahagi ng Masao River sa Butuan City at sa ibang bahagi ng Butuan Bay sa bayan ng Nasipit, Agusan del Norte.

Base sa mga natuklasan ng MSU-IIT, 5 MP ang natagpuan mula sa sample na bangus galing sa Nasipit habang ang bangus na nakuha sa bayan ng Butuan ay umabot sa average na 10 MP o dalawang beses na mas mataas.