Nagkita ang magtropa: PBBM, Mar Roxas, nagtulong mamahagi ng bigas sa Capiz

Nakuha pang biruin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dating Senador Mar Roxas sa pamamahagi ng bigas sa Capiz, nang sabihin na marami silang pinagdaanang “adventures” sa Amerika noong kabataan nila.

Nagalak ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makausap at makasama ang itinuturing niyang kaibigan na si dating Senador Mar Roxas sa pamamahagi ng bigas sa Capiz ngayong Biyernes, Oktubre 6.

Sa kanyang talumpati, pinapurihan ng pangulo ang presensiya ni Roxas, na tinawag niyang “long-time friend,” “son of Capiz,” at isang dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government.

“Lahat na yata nahawakan mo. Mar Roxas nandito po,” pabirong sabi ni Marcos, na umani naman nang malakas na palakpakan.

Ikinuwento rin ni Marcos na matagal na silang magkaibigan ni Roxas, at marami na rin aniya silang dinaanan na mga “adventures” noong binata pa sila.

“Baka hindi n’yo po alam, alam n’yo po, kami ni Mar matagal na po kaming magkaibigan at kahit na hindi kami magkapanig kung minsan sa politika, matagal kaming nagsama sa New York,” sabi ni Marcos.

“Kaya po nakakatuwa. Matagal ko na po siyang hindi nakausap at mabuti naman nagkaroon ng pagkakataon. Nag-usap kami dito pa sa Capiz,” dagdag pa ni Marcos

Ipinarating naman ni Roxas ang kaniyang pasasalamat kay Marcos, na sinabihan rin niya na “we wish you well.”

Pinsan rin ni Roxas si First Lady Liza Araneta-Marcos.