Nagkataon lang o nagbabadyang krisis na? Bahagi ng Panay, Negros Occidental, tinamaan ng malawakang blackout

Nakaranas ng higit 20-oras na power outage ang iba’t ibang bahagi ng Panay Island, Guimaras, at Negros Occidental nitong Miyerkules, Enero 3, dahil sa mga aberya sa power grids na nagsu-supply ng kuryente sa kabuuan ng Western Visayas.

Nakaranas ng higit 20-oras na power outage ang iba’t ibang bahagi ng Panay Island, Guimaras, at Negros Occidental nitong Miyerkules, Enero 3.

Ang dahilan, ayon sa Department of Energy (DOE), ay mga aberya sa tinatawag na Panay grid, na nagbibigay kuryente sa kabuuan ng Western Visayas.

Partikular na nagkaproblema ang Unit 1 ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) dahil sa sira sa boiler feed pump nito. Dahil dito ay nagkaaberya naman ang Unit 1 ng Palm Concepcion Power Corporation (PCPC) at Unit 2 ng PEDC matapos ang grid voltage imbalance na dulot ng pagkasira ng PEDC Unit 1.

“Other power plants within the Visayas grid were also affected by the Panay grid disturbances,” sabi ng DOE sa isang pahayag.

Nababahala naman sina Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. at Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa nangyaring malawakang outage.

Sa katunayan, hinimok na Treñas ang House of Representatives at Senado na imbestigahan ang insidente.