‘Nagkasakitan lang ng kaunti’: Cedric Lee tinanggi pag-detain kay Vhong Navarro

Itinanggi ng negosyanteng si Cedric Lee ang akusasyong dinetain nila si Vhong Navarro noong 2014.

Itinanggi ng negosyanteng si Cedric Lee ang akusasyong dinetain nila si Vhong Navarro noong 2014.

Ito ang depensa ni Lee matapos siyang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes ng gabi.

“Mag-aappeal kami. We will exhaust all legal remedies… Walang illegal detention na nangyari. Kung titingnan niyo lahat ng elements ng crime, wala. So we never detained him for more than a day. We never inflicted serious physical injuries,” paliwanag ni Lee.

Pati ang paghingi ng ransom kapalit ng buhay ni Navarro ay pinasinungalingan din ng negosyante.

“Hindi ransom yun. Wala yung mga elements. Nagkasakitan lang ng kaunti. Slight injuries. May nasaktan din naman sa amin noong lumaban siya. Hindi naman dapat magkaroon ng life imprisonment para sa bugbugan lang,” aniya.

“Alam naman niya ginawa niya… napasubo na lang siya, baka ang career niya maapektuhan,” dagdag pa nito.

Sina Lee, Deniece Cornejo, Ferdinand Guerrero, at Simeon Raz ay nahatulang guilty sa kasong serious illegal detention for ransom. May parusa itong 40 taong pagkakabilanggo.

Matatandaang matapos makaligtas sa insidente noong 2014 ay bugbog-sarado ang inabot ni Navarro at ilang araw rin itong naospital.