Nagkamali ng inargabyado: Holdaper, bugbog matapos magtangkang holdapin ang ex-MMA fighter

Bigo ang tangkang pangho-holdap ng tatlong suspek dahil ang isa sa mga target nila ay isa palang dating mixed martial arts fighter. Nasampulan tuloy ang isa sa mga holdaper, ayon sa mga pulis.

Nauwi sa kalaboso ang isa sa tatlong lalaki na nagtangkang mang-holdap ng isang mag-asawang nagbebenta ng mamahaling alak sa Cubao, Quezon City.

Ang masaklap pa, bugbog at sugatan ito dahil ang bibiktimahin sana ng grupo ay isang dating mixed martial arts (MMA) fighter na si Patrick Gambe.

Batay sa salaysa ni ng station commander ng Cubao police na si PLtCol. June Abrazado, nagrenta ng condo unit ang mga suspek para magkunwaring bibili ng alak sa mag-asawang Gambe.

Sa mismong transaksiyon ay nagdeklara na ng holdap ang grupo, at dito na lumaban si Gambe, na nasugatan pa ng mabaril ng isa sa mga suspek. Pero inabot niya ang isa sa mga ito at agad na binugbog habang kumaripas ng takbo ang mga kasamahan nito.

“According sa ating victim, tinutukan sila ng baril ng dalawang lalaking nakipag-transact sa kanya. And noong about na gagapos na sila, itong victim nila na lalaki happens to be a former MMA fighter,” kwento ni Abrazado.

“Noong tinutukan na ng baril ang kanilang asawa, na-subdue niya ang suspect na may dalang 9mm na baril. Unfortunately, nabaril sya ng suspek. Tinamaan ung victim natin sa binti, pero nakita naman natin na through and through ang bala so nagawa nya pa rin i-subdue yung suspect,” dagdag niya.

Arestado ang holdaper na nahuli ni Gambe, samantalang pinaghahanap na ng mga awtoridad ang mga kasamahan nito.