Nagalit na ata si hepe! PNP chief, kamot ulo sa pagsama ng vlogger sa raid

Kinuwestiyon ni PNP chief Benjamin Acorda ang presensiya ng kontrobersiyal na vlogger sa raid na isinagawa ng PNP Anti-Cybercrime Group, lalo pa't nag-livestream pa ito ng mga kaganapan sa aktwal na operasyon.

Bakit may kasama pang vlogger?

Tila iyan ang tanong ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda nang iutos niyang imbestigahan ng pambansang kapulisahan kung bakit kasama si Rendon Labador sa raid na isinigawa ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa opisina ng isang online lending company.

Bukod sa pagsama sa operasyon, nag-livestream pa umano si Labador, isang self-confessed motivational speaker at kilalang kontrobersiyal na vlogger, nang mga kaganapan sa aktwal na raid sa opisina.

Partikular na inatasan ni Acorda ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na imbestigahan kung tama bang isama ang isang vlogger sa hanay ng mga mamahayag sa mga operasyon ng PNP-ACG.

“We already sent a memo to the ACG directing them to explain. We wait for their explanation and from there we will recommend for your approval the sanctions to be meted out,” pagtitiyak ni DIDM chief Maj. Gen. Eric Noble kay Acorda sa isang press briefing nitong Lunes, Oktubre 23.