Nagagamit kasi sa scam! DICT, nais limitahan ang SIM na ma-rerehistro ng bawat subscriber

Nais limitahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang bilang ng SIM card na maaaring i-rehistro ng bawat indibidwal.

Pinagaaralan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na limitahan ang bilang ng SIM card na ma-rerehistro ng bawat indibidwal matapos kumpiskahin ng mga awtoridad ang P1 bilyon mula sa mga e-wallet na diumanong pagmamay-ari ng mga sindikato.

Na-recover ng mga awtoridad ang halaga sa pamamagitan ng mga raid na isinagawa sa pagpapatupad ng SIM Registration Act, kung saan minamandato ang pag-rehistro ng SIM card, ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy.

“So far, based on our coordination with law enforcement agencies, basically the value of the e-wallets and digital currencies, the cryptocurrencies that have been confiscated by law enforcement agencies could amount to a billion or more, and this is only based on the raids and the arrests that we’ve done for the past month and a half,” ani Uy sa isang pulong balitaan.

Nakalagay ang mga SIM sa mga cellphone na natagpuan sa mga raid na isinagawa, at nang buksan ang e-wallet apps nito, nakita ng mga awtoridad na may mga nilalaman itong malalaking halaga, ayon pa kay Uy. Kasalukuyang tinutukoy pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng mga na-recover na pera.

Ayon sa kalihim, kasama sa amyendang pinaplano ng ahensya sa implementing rules and regulations (IRR) ng batas ang pag-limita sa SIM na maaaring i-rehistro ng mga subscriber.

“If we follow what other countries have implemented in their SIM card registration, other countries have implemented a limitation in the number of SIM cards that can be registered, so that’s one option that we’re looking at,” ani Uy.

“Some countries limit to five. Tatlo lang naman ang telcos natin eh, so maybe we can limit it to three so you can have one number each, or to four in case you want some of them one telco pero dalawa ‘yung product nila,” dagdag pa ng kalihim.

Sa ngayon, lampas 118 milyon na SIM na ang nakarehistro, na mas marami sa bilang ng tinatayang populasyon ng bansa na 115 milyon.