Nagagalit nanaman? Volcanic smog namataang muli sa Taal Volcano

Nananatiling nasa Alert Level 1 ang Taal Volcano nang muling mamataan ng Phivolcs ang volcanic smog o vog sa paligid nito.

Namataang muli ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang volcanic smog o vog sa Taal Volcano.

Ayon sa Phivolcs, naobserbahan nito ang vog nitong Sabado, Setyembre 16, matapos tumaas ang “hot volcanic fluids” sa main crater ng lawa. Batay na rin sa ulat ng ahensiya, tumaas ang volcanic smog nang halos 3,000 metro at kumilos pahilagang-kanluran at pahilagang-silangan.

Kaugnay nito, binalaan ng Department of Health ang publiko na may masamang epekto sa kalusugan dahil ito ay isang uri ng air pollution na nagtataglay ng volcanic ash gaya ng sulfur dioxide.

Naaapektuhan naman ng nasabing vog ang mga residenteng malapit sa Taal Volcano, na una nang naobserbahan nitong buwan.

Nasa Alert Level 1 pa rin ang Taal Volcano at ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano island na tinuturing permanent danger zone.