Nag-aantay na ang rehas sa kanya: Pagbalik ni Teves sa bansa, pinag-uusapan na ng DOJ at pamahalaan ng Timor-Leste

Tungkulin ng Timor-Leste bilang kasapi ng United Nations na isuko ang teroristang si Arnolfo Teves Jr., ayon sa isang opisyal.

Tinalakay nina Justice Secretary Crispin Remulla at José Ramos-Horta, ang pangulo ng Timor-Leste ang posibilidad ng rendition kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., na nakakaharap sa kasong murder at idineklara na bilang isang terorista.

Napag-usapan ito ng dalawa sa isang pulong kamakailan, kung saan tinalakay rin nila ang criminal justice system at good governance.

“I told him we will be filing necessary information or necessary letters to his office to inform them formally of the charges pending against Mr. Teves and that their duties of rendition are there,” saad ni Remulla sa isang press briefing.

Ang rendition ay alternabtibo sa extradition kung saan ang isang suspek na namamalagi sa ibang bansa ay maaaring pwersahin pabalikin sa kaniyang sariling bansa.

Ayon kay Remulla, tiniyak ni Ramos-Horta na hihintayin niya ang mga dokumentong isusumite ng DOJ.

Pinaalala rin niya aniya kay Ramos-Horta na tungkulin ng Timor-Leste bilang kasapi ng United Nations na ibalik si Teves, na dineklarang terorista ng pamahalaan, sa Pilipinas.