Nadawit sa ilegal na droga: Maricel Soriano lito nang ipatawag sa Senado

Mariing itinanggi ng Diamond Star na si Maricel Soriano na siya ay gumagamit ng iligal na droga. Ito ay matapos siyang ipatawag sa Senate committee on public order and dangerous drugs ngayong Martes.

Mariing itinanggi ng Diamond Star na si Maricel Soriano na siya ay gumagamit ng iligal na droga. Ito ay matapos siyang ipatawag sa Senate committee on public order and dangerous drugs ngayong Martes.

Ito ay dahil nadamay ang kanyang pangalan sa kumalat na confidential document ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ukol sa mga pangalan na kanilang binabantayan dahil sa paggamit ng ilegal na droga.

Ayon kay Maricel, wala umano siyang alam sa balitang nadawit siya sa naturang isyu.

“Unang-una po hindi ko ho alam ‘yung tungkol sa mga dokumento. Nalaman ko na lang ‘yan nu’ng pinakita sa akin dahil hindi po ako nagbabasa ng mga ganyan. Wala po akong alam,” pahayag nito.

Dahil sa nangyari, litong-lito umano ang aktres kung bakit siya natawag sa pagdinig lalo pa’t hindi naman umano na-verify ang nabaggit na leaked document.

Kamakailan kasi ay naunang tumestigo sa komite si PDEA intelligence officer Jonathan Morales upang sabihin na siya ang pumirma sa confidential report na lumabas. Nakalagay dito na isang grupo ng showbiz at political personalities ang gumagamit ng iligal na droga sa isang condominium unit sa Makati noong Marso 11, 2011.

“Sa totoo lang po, hindi malinaw sa akin kung bakit ako naimbitahan sa hearing. Nagtataka lang po ako dahil lahat po ng tumestigo dito ay nagsabing hindi na-verify ang impormasyon ni Mr. Morales at walang imbestigasyon na naganap. Pasensya na po kung nalilito po talaga ako dito,” saad pa ni Maricel.