Nadaan sa pakiusap ni Migz: Resolusyon sa WPS, UNCLOS, tinanggap na ng China—SP Zubiri

Bagaman may “persuasive weight” ang resolusyon, hindi pa rin ito batas at walang kasiguraduhan ang implementasyon nito.

Inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri nitong Sabado, Nobyembre 25, na tinanggap na ng Chinese delegation ang resolusyon tungkol sa West Philippine Sea at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS)—isang araw matapos nila itong tanggihan sa ika-31 Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF31).

Ang naturang resolusyon, “Strengthening the Capacity of Parliaments to Promote Regional Peace and Stability” isinulong ng Pilipinas kasama ang Indonesia, Chile, Russia, Japan, Mexico, at Australia. Layon nitong kilalanin ang “maritime regime in the region based on international law, including the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) that sets out a legal order for the peaceful use of the seas and oceans, including freedom of navigation and overflight…”

Paliwanag ni Zubiri, tinanggihan ng China ang resolusyon dahil sa pagbanggit nito ng UNCLOS at freedom of navigation, pero pumayag na rin matapos ang ilang mga pagbabago.

“Initially they didn’t want to have any mention of the UNCLOS and freedom of navigation, pero pumayag na rin sila,” aniya. “We are very happy that the delegation from China graciously accepted our proposed amendment.”

Nilinaw naman ni Zubiri na bagaman may “persuasive weight” ang resolusyon, hindi pa rin ito batas at walang kasiguraduhan ang implementasyon nito.