MV Ken Ship na nakadaong sa Castilla Port, nasunog!

Nagsimula ang sunog umano sa depektibong LPG hose na sumingaw at nagmitsa ng pagliyab.

SORSOGON – Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyaring pagkakasunog ng MV Ken Ship dakong alas-12:00 ng tanghali nitong Nobyembre 2, habang nakadaong sa Castilla Port, Barangay Poblacion, Castilla, Sorsogon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang posibleng ang sanhi ng sunog ay ang depektibong hose ng LPG at pagsingaw ng tangke nito.

Tumagal ang sunog ng hanggang tatlong oras bago naideklarang fireout.

Ayon kay Senior Fire Officer 3 Rommel Rebua, tagapagsalita ng Municipal Fire Marshall ng Castilla BFP, natagalan sila sa pag-apula ng apoy dahil na rin sa distansya nito sa pantalan kung saan kinakailangan pa nila umanong isakay sa bangka ang hose papuntang barko.

Napag-alaman ding Desyembre pa ng nakaraang taon nakadaong ang commercial vessel at nag-aantay na lang ng go signal sa kanilang kumpanya para makabiyahe ulit.

Paalala ngayon ni Coast Guard ENS Dwan Grace Detoyato, tagapagsalita ng Coast Guard District Bicol, na laging ma-iingat para maiwasan ang ganitong insidente.

Bukod sa Philippine Coast Guard (PCG) at BFP, tumulong din sa pag-apula ng sunog ang Philippine Navy, Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO) at Philippine Ports Authority-Castilla.