MPIC, Malaysian firm, pumasok sa kasunduan para kumpunihin ang bagon ng LRT-1

Pumasok sa kasunduan ang Metro Pacific Investment Corp. at Hartasuma ng Malaysia para kumpunihin at pagandahin pa ang mga bagon ng LRT-1.

Lumagda ang Metro Pacific Investment Corp (MPIC) sa kasunduan sa pagitan ng Hartasuma Sdn Bhd ng Malaysia para sa pagkumpuni at pagpapaganda ng mga bagon nito at pag-aralan ang paggawa ng iba pang uri ng transportasyon tulad ng cable car at monorail.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni MPIC chair Manuel V. Pangilinan na malawak na ang karanasan ng Hartasuma pagdating sa imprastraktura dahil sa tatlong dekada na ito sa Negosyo.

“We thought it’s good to partner with them for our requirement in LRT-1 … Not only as a supplier but for other modes of transport … to build cable cars, monorails and we like to explore that opportunity to upgrade our modes of transport in the country,” ayon kay Pangilinan.

“There is a lot for us to share. Together, we intend to explore innovations that can help us build the transport infrastructure of the future,” dagdag pa niya.

May interes ang MPIC sa LRT-1 sa pamamagitan ng Light Rail Manila Corp. (LRMC). Nagpapatakbo ang LRMC ng 20 estasyon at naka-ambang magdagdag pa ng limang estasyon para sa Cavite extension project.

Nakikita rin ni Pangilinan ang iba pang pagkakataon para makapagtulungan sa Hartasuma, na may karanasan rin sa paggawa at pagpapatakbo ng cable car systems at monorails.

Ayon sa Hartasuma, mas murang gawin ang cable car system, at hindi kinakailangan ng malaking lugar o lupa para itayo.

Noong 2019, sinabi ng isang kinatawan ng Asian Development Bank na maaaring gamitin na public transport ang cable cars sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil hindi nito kailangan ng malalaking espasyo, na siyang pangunahing balakid sa mga big-ticket infrastructure projects.