Motorsiklong gamit sa ambush sa Abra, natagpuan na

Natagpuan na ng kapulisan ang motorsiklong gamit diumano ng mga hindi pa nakikilalang gunmen sa pagpaslang sa abogadong si Maria Saniata Liwliwa Alzate.

Natagpuan na ng kapulisan ang motorsiklong gamit diumano ng mga hindi pa nakikilalang gunmen sa pagpaslang sa abogadong si Maria Saniata Liwliwa Alzate nitong nitong nakaraang linggo lamang.

Ayon kay Cordillera police director Brig. Gen. David Peredo, ang naturang motorsiklo ay natagpuang abandonado na sa isang ravine sa magubat na parte ng Casamata Hill, Barangay Zone 5. Sinabi pa ni Peredo na nakita ng mga imbestigador ang motor habang hinahalughog ang area kung saan tumakas umano ang mga salarin.

Dagdag pa ni Peredo, mayroon na silang mga “person of interest,” subalit tumanggi siyang magpaliwanag pa ukol dito.
Matatandaang pinagbabaril si Alzate sa harap mismo ng kanyang bahay sa Bangued, Abra habang nakasakay ito sa kanyang Mitsubishi Mirage.

Hagip naman sa mga closed-circuit television cameras ang dalawang nakamotorisiklo na bumaril sa abogado.

Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines ang pamamaslang, samantalang humingi ng tulong sa publiko ang NBI upang mapabilis ang paglutas sa nasabing kaso.