Motorcycle rider, patay nang sumemplang dahil sa nabanggang aso

Nabundol ng rider ang isang aso kaya sumemplang ito sa kalsada at nagtamo ng malubhang sugat naikinamatay nito sa Malilipot, Albay.

ALBAY – Patay ang 46-anyos na motorcycle rider makaraang sumemplang dahil nabangga ang isang papatawid na aso sa Barangay San Jose, Malilipot, pasado ala-1:00 ng hatinggabi nitong Linggo, September 17, 2023.

Kinilala ang biktimang si Roberto Sacayan y Basco ng Sitio Labanon, Barangay Basud, Bayan ng Bacacay. Ayon sa kapatid ng biktimang si May Basco Maro, mabait na kapatid at responsableng padre de pamilya ang kanyang Kuya Roberto.

Bago umalis ng bahay, nagpaalam pa diumano ang biktima na pupunta sa burol ng isang kakilala, subalit ito na raw pala ang kanilang huling beses na makikitang buhay si Roberto.

Ayon sa Hepe ng Malilipot Municipal Police Station na si Police Captain Melanie De Guzman, blangko pa sila sa kung sino ang may-ari ng aso na binawian rin ng buhay sa naturang insidente, wala raw kasing umaako sa aso.

Sa kabila nito, siniguro ng istasyon na tututukan nila ang nasabing kaso. Nanawagan naman ang awtoridad sa mga nag-aalaga ng aso na maging responsableng pet owner nang sa gayon ay hindi na maulit pa ang katulad nitong insidente.