MMDA magsusumite ng “long-term solutions” sa Palasyo para sa road decongestion ng Metro Manila

Base sa datos ng MMDA, ang average travel time ngayon sa Metro Manila ay nasa 24.52 kilometers per hour noong 2022 at 24.46 noong 2023.

Magsusumite ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Malacañang ng mga panukala upang tuluyan ng maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Nakapaloob dito ang pagpapabilis sa kasalukuyang mga infrastructure projects gaya ng Metro Manila subway at Metro Rail Transit Line 7.

Kasama sa mungkahi ang paglilipat ng ilang mga ahensya ng gobyerno sa probinsya.

Sa isang panayam, sinabi ni Procopio Lipana, MMDA General Manager, na bahagi ito ng “long-term solutions” para tuluyang mapaluwag ang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa ibat ibang lansangan sa Kamaynilaan.

Aminado si Lipana na hindi madaling maipatupad ang ilan sa kanilang mungkahi pero ang mahalaga ay mapasimulan ito. “These are suggestions, but they are not easy to do,” ayon sa opisyal.

Sa pagtaya ng MMDA, nasa 80 regional offices sa Metro Manila ang maaaring ilipat sa probinsya.

Kinumpirma rin ni Lipana na bumalik na sa dati ang travel time ngayon mula sa dating sitwasyon bago ang Covid-19 pandemic.

Base sa datos, ang average travel time ngayon sa Kamaynilaan ay nasa 24.52 kilometers per hour noong 2022 at 24.46 noong isang taon.