Misibis Women’s Livelihood Organization, ibinida ang kanilang karagumoy products

Dahil sa kabuhayan dala ng grupo, nagkaroon ng dagdag kita ang mga kababaihan ng Misibis at nakapagpatapos ng pag-aaral sa mga anak nila.

ALBAY – Malaki diumano ang hatid na pagbabago sa buhay ng mga kababaihan sa Brgy. Misibis, Bacacay ang pagkakatatag ng Sunwest Care Foundation Inc. (SCFI) ng kanilang organisasyon na Misibis Women’s Livelihood Organization (MWLO).

Bukod kasi sa nagkaroon ng laman ang kanilang hapagkainan, may unti-unting naipundar sa buhay, may mga napagtapos na rin sa pag-aaral ang karamihan sa miyembro.

Ayon sa pangulo ng organisasyon na si Ma. Luzonia Base, utang na loob nila ang pagbabago ng estado ng kanilang buhay sa SCFI na gumawa ng hakbang upang mabigyan sila ng magandang pagkakakitaan. Bukod kasi sa pagbuo ng kanilang organisasyon, iba’t ibang trainings din ang kanilang pinagdaanan upang mapabuti pa lalo ang kanilang paggawa ng karagumoy products.

Ilan sa mga tumatangkilik ng kanilang produkto ay ang Misibis Bay Resort na matatagpuan rin sa naturang lugar. Ilan kasi sa ginagawang souvenirs ng resort ay kanilang karagumoy bags.

Kwento naman ng Program Support Officer ng SCFI, yaman din lamang na mayaman sa Karagumoy plants ang naturang barangay, naisipan nilang gawin nang pagkakakitaan ng mga kababaihan ng Misibis.

Ikinalulugod din daw nila na nakapaghatid sila ng pagbabago sa buhay ng mga bawat miyembro ng MWLO.