MIAA: Mga nawalang bagahe sa NAIA, hindi ibinebenta sa social media

May proseso patungkol sa mga nawala o inabandonang bagahe, at hindi ito basta-basta ibebenta, lalo na sa social media.

Nagbabala ang Manila International Airport Authority (MIAA) na hindi binebenta ang mga luggage o bagaheng nawala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ay matapos mabalitaan ng ahensiya na may mga nagpo-post sa social media na may mga bagaheng binebenta na diumano.

“We appeal to everyone to be extremely careful and vigilant when browsing through the internet. Always exercise caution when engaging with online sellers. Do not be easy targets of scammers,” paalala ni MIAA officer-in-charge Bryan Co said.

Aniya, may proseso ang MIAA at NAIA patungkol sa mga nawala o inabandonang bagahe, at hindi ito basta-basta ibebenta, lalo na sa social media.

Ayon naman kay Mark Almase, deputy collector for passenger services at NAIA ng Bureau of Customs, kadalasang binibigyan ng 30 hanggang 90 araw ang mga pasahero para kunin ang kanilang mga bagahe.

Ang mga naiwan o unclaimed na kagamitan naman ay ina-auction.