Mga utak ng deepfake video ni PBBM kinasuhan

Isang grupo ang nagsampa ng kaso sa Philippine National Police - Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa mga 'di umano'y pasimuno ng kumalat na deepfake video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Isang grupo ang nagsampa ng kaso sa Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) laban sa mga ‘di umano’y pasimuno ng kumalat na deepfake video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang nagsampa ng kaso ay ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI), sa pangunguna ng kanilang chairperson na si Michael Raymond Aragon at abogado na si Anna Tan.

Limang indibidwal ang sinampahan nila ng reklamong paglabag sa Article 154 o unlawful use of means of publication and unlawful utterances sa ilalim ng Revised Penal Code.

“Meron kaming mga pinangalanan doon sa complaint. We have websites at inaayos na namin ito and we are open to collaborating with any government agencies para maayos. Maraming sites kasi sa isang site, so naka-cluster siya so more or less four to five initially (personalities),” saadi ni Aragon.

Sa naturang video, gumamit ng deepfake technology ang mga suspek upang palabasin na may talumpati si Marcos kung saan pinapakilos niya ang militar laban sa isang banyagang bansa.

Nanawagan din si Aragon sa Kongreso na magbalangkas ng batas na lilikha sa isang tanggapan na magbabantay sa mga kumakalat sa social media.

“We see a clear and present danger right now for the nation for our democracy. That’s why we are doing this and we would like the government to be with us. Because this is a technology na hindi alam ng tao na meron palang ganyan so nape-peke sila, then the tendency is to believe but beyond this pamemeke, what I am saying is there is a clear and present danger (in) the technology of embedded algorithm,” dagdag pa niya.