Mga tauhan ng isang barangay sa Las Piñas, sangkot diumano sa pag-salvage ng hinihinalang magnanakaw

Sangkot sa kasong murder ang anim na tauhan ng isang barangay sa Las Piñas matapos ituro ng mga testigo na huling mga nakasama ng lalaking natagpuang patay sa isang creek sa siyudad.

Arestado ang dalawang tanod ng Manuyo Uno sa Las Piñas, kasama ang isang barangay executive officer at isa pang tauhan dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa diumano’y pagpaslang sa lalaking hinihinalang nagnakaw.

Ang lalaki ay natagpuan sa isang sapa sa Las Piñas.

Kinalala ang biktima na si Gerico Rocabo, 24 anyos.

Natagpuan siya noon pang Disyembre 27 na puno ng sugat sa mukha at may marka sa leeg na tila sinakal.

Ayon sa mga testigo, dinala sa barangay hall ng Manuyo Uno si Rocabo, na suspek sa isang pagnanakaw. Isinakay pa raw ito sa tricycle pagkalabas ng barangay hall, ayon sa mga nakakita.

“Prior to the incident, ‘yan daw victim ay dala-dala ng mga barangay tanod,” kwento ni PCol. Jaime Santos, hepe ng Las Piñas police. “From the barangay hall inilabas, isinakay ulit sa tricycle. Later nakita nang patay… reportedly responsible ito sa pagnanakaw kaya hinuli ng mga barangay tanod.”

Hindi itinanggi ng mga kaanak ni Rocabo ang pagnanakaw nito. Gayunpaman, giniit ng mga ito na hindi ito dapat pinatay.

“Magnanakaw nga ‘yung tao pero dapat hindi ganun na pinaslang,” saad ng isang kaanak ni Rocabo. “May batas tayo… Diniretso na dapat sa kulungan.”

Makakaharap sa kasong murder ang mga tauhan ng barangay.