Mga sibilyan, aprub ng PNP magmay-ari ng semi-automatic na baril

Papayagan na ang mga sibilyan na magmay-ari ng mga semi-automatic na armas.

Papayagan na ang mga sibilyan na magmay-ari ng mga semi-automatic na armas.

Ito’y matapos amyendahan ng Philippine National Police (PNP) ang ilang bahagi ng implementing rules and regulations (IRR) ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

“Sa ngayon po, ‘yung mga private citizens na nagmamay-ari ng riple, particularly ‘yung 7.62 pababa at ‘yung kanilang mga baril po ay mayroon pong classification po ng semi-automatic, ay puwede na pong palisensyahan ng sibilyan,” pahayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajaro ngayong Lunes.

“Yun po ‘yung particular provisions po na pupuwede na pong magmay-ari po ang sinuman pong sibilyan ng 7.62, ‘yun po ‘yung M14 pababa basta po ‘yung baril na iyun ay hindi automatic,” dagdag pa niya.

Ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ay naipasa noong 2013. Sa unang bersyon nito, ang mga sibilyan ay pinapayagang magdala ng matataas na kalibre ng baril.

Unang nagkaroon ng pagbabago sa IRR ng naturang batas noong 2018, kasunod ng pagputok ng bakbakan sa Marawi City. Dito na pinagbawalan ang mga ordinaryong tao na magmay-ari ng malalaking armas.

Samantala, ang pinakabagong bersyon ng batas ay magiging epektibo 15 araw matapos itong isapubliko ng UP Law Center.