Mga ‘Pinoy lalong tumatapang dahil sa pambu-bully ng China

Naniniwala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na lalo lang lumalalim ang galit ng mga Pinoy sa China dahil sa pang-aagaw nito sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippines Sea (WPS).

Naniniwala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na lalo lang lumalalim ang galit ng mga Pinoy sa China dahil sa pang-aagaw nito sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippines Sea (WPS).

Ani Barbers, patunay rito ang resulta ng AFP-OCTA survey kung saan pito sa bawat 10 Pinoy ang handang makipag-bakbakan para ipagtanggol ang bansa.

“Malinaw sa resulta ng AFP-OCTA survey na ang mayorya ng may edad na Filipino ay handang ipaglaban ang ating bansa kung sakaling magkaroon tayo ng conflict sa ibang bansa. At sa aking pananaw, indikasyon lang ito na lumalago ang resentment ng mga Filipino laban sa China dahil sa pinag-gagagawa ng huli sa West Philippine Sea,” saad ni Barbers.

Nitong mga nakaraang linggo ay sunod-sunod ang insidente ng pambu-bully ng China sa WPS. Isa sa mga malubhang pangyayari ay ang pambobomba ng water cannon sa isang sasakyang pandagat ng Pilipinas, kung saan ilang Pinoy ang nasaktan.

Dagdag pa ni Barbers, kailangang maungkat ang katotohanan hinggil sa diumano’y kasunduan ng China at Pilipinas na nangyari nu’ng panahon ni ex-president Rodrigo Duterte.

Aniya, posibleng ang naturang kasunduan ang pinag-uugatan ng kumpiyansa ng China na maghari-harian sa WPS. Binansagan pa niyang “Makabagong Makapili” ang mga Pinoy na pumapanig sa mga banyaga.

“Hindi na natin siguro kailangang pag-isipan pa or i-memorize pa kung ano ang motibo ng mga Makabagong Makapili sa ating bansa,” wika pa ni Barbers.