Mga KSP lang sila siguro? Pagsayaw ng nakahubad ng mga kalalakihan sa Tondo, walang basbas ng parokya

Giniit ng Santo Niño de Tondo Parish na hindi aprubado ng Simbahang Katoliko ang pagsayaw ng walang pantaas ng isang grupo ng kalalakihan tuwing pista ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila.

Giniit ng Santo Niño de Tondo Parish na hindi aprubado ng Simbahang Katoliko ang pagsayaw ng walang pantaas ng isang grupo ng kalalakihan tuwing pista ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila.

Muli na namang nag-viral ang nasabing sayaw, kung saan nagsasayaw at gumigiling ang mga kalalakihan habang walang pantaas na suot.

“Ang mga grupo na gumagawa nito ay hindi nakaugnay sa angkop na layon ng Lakbayaw at pagpaparangal sa debosyon sa Pintakasing Santo Niño na may katauhan bilang bata na may kababaang loob at masunurin sa Diyos Ama,” saad ni Rev. Msgr. Geronimo Reyes sa isang post sa Facebook page ng Santo Niño de Tondo Parish.

Ang “Lakbayaw,” na kombinasyon ng mga salitang “lakbay” at “sayaw,” ay ang tradisyunal na sayaw tuwing pista ng Sto. Niño kung saan hawak ng mga deboto ang imahe habang sumasayaw. Giit ni Rev. Reyes, ang paggiling ng mga kalalakihan ay hindi nagpapakita ng tunay na diwa ng Lakbayaw.

“Hindi na po ito ang diwa ng Lakbayaw na dapat magsalarawan ng ating pananampalataya at pasasalamat sa Batang Diyos na Siyang sentro ng ating pagdiriwang ,” aniya.

Dagdag ng pari, hindi rin daw opisyal na kabilang ang mga grupo sa Lakbayaw ng simbahan. Hindi rin aniya papayagan ng simbahan ang anumang gawaing magpapasama sa imahe nito.