Mga kolehiyo ng medisina, itatatag sa mga public universities sa bisa ng mga batas ni PBBM

Isa ang edukasyon sa pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan, at patunay diyan ang apat na panukalang batas na pinirmahan ng pangulo na naglalayong palawigin ang kapasidad ng pitong higher education institution sa bansa.

Pirmado na ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pitong panukalang batas na naglalayong palawigin ang kapasidad ng ilang higher education institutions (HEIs) sa iba’t-ibang probinsiya sa bansa.

Ang mga panukalang batas na pinirmahan ni Marcos ay ang mga sumusunod:

• Republic Act (RA) No. 11968, na gagawing regular campus ang San Isidro Satellite campus ng Leyte Normal University (LNU) sa San Isidro, Leyte. Papangalanan itong “LNU-San Isidro Campus.”

• RA No. 11969, na gagawing regular campus ang Bataan Peninsula State University (BPSU)-Bagac Extension Campus sa Bagac, Bataan. Papangalanan itong “BPSU-Bagac Campus.”

• RA No. 11970, na magtatatag sa Benguet State University–College of Medicine sa La Trinidad, Benguet.

• RA No. 11971, na magtatatag sa Southern Luzon State University–College of Medicine sa Lucban, Quezon.

• RA No. 11972, na magtatatag sa University of Eastern Philippines–College of Medicine sa Catarman, Northern Samar.

• RA No. 11974, na magtatatag sa Visayas State University–College of Medicine sa Baybay, Leyte.

• RA No. 11973, na magtatatag sa Bicol University–College of Veterinary Medicine sa Ligao City.

Pinirmahan ng pangulo ang mga nasabing panukala noon pang Disyembre 20, at magiging ganap na batas 15 araw matapos itong ilabas sa Official Gazette ng pamahalaan o sa diyaryo.