Mga establisyimentong hindi nagpapatupad ng senior citizen discount, pinaiimbestigahan ni Romualdez

Ani House Speaker Martin Romualdez, ang imbestigasyon ng Kamara ay makatutulong upang linawin ang mga batas patungkol sa pagbibigay ng discount sa mga senior citizen at PWD, itama ang mga mali, at makaisip ng mga paraan para sa mas mabisang pagpapatupad.

Hinimok ni House Speaker Martin Romualdez ang kaniyang mga kasamahan sa Kamara na imbestigahan kung ibinibigay ba ng mga establisyimento ang karapatang 20 porsiyentong discount ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).

Aniya, dumarami na ang mga napaulat na paglabag sa Republic Act (RA) No. 9994, o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, at sa RA 10754, o ang Act Expanding the Benefits and Privileges of PWDs.

“Laws granting benefits to our senior citizens and PWDs should be strictly followed and implemented. And if there are several instances of the improper grant of these privileges and benefits, it becomes the common practice. So, it cannot remain unchecked,” paliwanag ni Romualdez sa isang pahayag.

Ginawang halimbawa ni Romualdez ang isang kilalang coffee shop nililimitahan ang naturang discount sa isang produktong pagkain lamang at isang inumin kada punta ng senior o PWD. Tinukoy rin niya ang kasong isasampa ng Pasig City Prosecutor’s Office laban sa isang hotel na hindi binigyan ng discount ang isa nitong customer na senior.

Sabi ni Romualdez, ang imbestigasyon ng Kamara ay makatutulong upang linawin ang mga batas patungkol sa pagbibigay ng discount sa mga senior citizen at PWD, itama ang mga mali, at makaisip ng mga paraan para sa mas mabisang pagpapatupad.

“Maraming tanong ang ating mga senior citizen at PWDs, bibigyan natin sila ng pagkakataon kapag nagsimula na ang pagdinig sa Kongreso,” aniya.