Mga buoy nailagay sa WPS sa ‘Atin Ito’ civilian mission

Tagumpay na nakapaglagay ng mga buoy ang mga nakiisa sa ikalawang civilian mission sa West Philippine Sea (WPS) ngayong Miyerkoles.

Tagumpay na nakapaglagay ng mga buoy ang mga nakiisa sa ikalawang civilian mission sa West Philippine Sea (WPS) ngayong Miyerkoles.

Batay sa mga larawan at video na kuha ng Atin Ito Coalition, ang mga buoy na nailagay sa WPS ay may nakasulat na “WPS ATIN ITO!”

Ang paglalagay ng mga buoy sa WPS ay isa lamang sa dalawang aktibidad ng Atin Ito sa kanilang civilian mission.

Ang ikalawa ay ang pagdadala ng mga pagkain at iba pang supply sa mga mangingisdang Pinoy na nasa Panatag Shoal.

“The Atin Ito contingent will now proceed to the second phase of its voyage, aiming to reach the vicinity of Panatag Shoal (Scarborough Shoal) for another round of supply distribution to Filipino fisherfolk in the area,” pahayag ng Atin Ito.

Tangka ng grupo na marating ang Panatag Shoal bandang alas-6 ng umaga bukas, Huwebes.

Bandang alas-7:30 ng umaga lumarga ang grupo mula Zambales ngayong Miyerkoles. Binubuo ang grupo ng nasa 300 indibidwal na nakasakay sa limang commercial fishing vessel at 100 maliliit na bangka.