Mga benepisyo ng mga taga-“EMBO,” unti-unti nang binabawi ng Makati; mga lolo’t lola, pangunahing naaapektuhan

Binawi na ng lokal na pamahalaan ng Makati ang Blu Card at Yellow Card ng mga senior na nakatira sa mga Enlisted Men's Barangays (EMBO) nang tuluyan nang ilipat ng Korte Suprema sa hurisidiksiyon ng Taguig ang mga nasabing lugar.

Wala nang cash aid at healthcare benefit ang mga senior na residente ng 10 barangay na dating sakop ng Makati at ngayo’y inilipat na ng Korte Suprema sa hurisdiksiyon ng Taguig.

Iyan ay matapos bawiin ng lokal na pamahalaan ang Blu Card at Yellow Card ng mga ito.

Ang 10 barangay na naapektuhan ay ang mga “embo”: Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper South Side, Rizal, South Cembo, at West Rembo.

“Alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, ikinalulungkot naming ipaalam sa ating mga seniors mula sa 10 EMBO barangays na Blu cardholders na simula January 1, 2024 ay wala ng bisa ang inyong Blu card,” the announcement read.

Ang mga may Blu Card ay karaniwang nakatatanggap ng cash aid na nagkakahalaga ng P3,000–P10,000, mga basic necessities, at iba pang insentibo.

Healthcare benefits naman, gaya ng libreng gamot at checkup ang ibinibigay sa mga may Yellow Card.

Taong 1993 pa nang unang inangkin ng Taguig ang mga Enlisted Men’s Barangays (EMBO) at Fort Bonifacio. Kinatigan ito ng Pasig RTC at maging Korte Suprema.