Meralco Bolts nilusutan SMB, unang championship sinungkit!

Sa wakas, nasungkit na ng Meralco Bolts ang kanilang kauna-unahang kampeonato matapos masaraduhan ang comeback ng San Miguel Beermen, 80-78, sa Game 6 ng PBA Philippine Cup finals nitong Linggo.

Sa wakas, nasungkit na ng Meralco Bolts ang kanilang kauna-unahang kampeonato matapos masaraduhan ang comeback ng San Miguel Beermen, 80-78, sa Game 6 ng PBA Philippine Cup finals nitong Linggo.

Sa first quarter pa lang ay makikitang gusto nang tapusin ng Meralco ang serye, nagbaon ng 11 point lead papasok sa second canto.

Ngunit hindi agad nagpadaig ang SMB, sa pangunguna ni June Mar Fajardo at Marcio Lassiter para manatiling malapit sa Meralco at napababa sa single digit ang kalamangan sa simula ng second half.

Sa fourth quarter ay muling nagtangka ang San Miguel na itakas ang laban sa kamay ng Meralco.

Napaabot ulit ng Meralco sa 10 ang kanilang abante sa last six minutes ng final canto, ngunit inunti-unti ng Beermen na matapyasan ang kalamangan.

29 segundo ang nalalabi sa game clock, umangat si Fajardo para itarak ang 78-75 score, tatlo na lang ang advantage ng Meralco.

Nauwi naman sa wala ang possession ng Meralco matapos na makanakaw ni Simon Enciso para ibalik ang bola sa San Miguel.

Dalawang beses pumukol ng tres ang SMB, ngunit sablay. Buti na lang ay nakakuha sila ng offensive rebound at tumawag ng timeout.

Sa last five seconds, nakakuha ng espasyo sa three-point land si Fajardo na sumakto sa ring para itabla ang laban, 78-all.

Ngunit hindi sapat ang miracle shot ni JMF, dahil sa dulo si Chris Newsome pa rin ang naghari matapos na isalpak ang contested jumper para maselyo ang kampeonato para sa Meralco.

Tumapos si Newsome na may 15 points, five rebounds at four assists. Katiwang niya si Allein Maliksi na may 14 markers.

Si Fajardo naman, nag-ambag ng 21 points, 12 rebounds at five assists.

Ito ang kauna-unahang kampeonato ng Meralco kahit pa limang beses na silang nakakasampa sa Finals.