Menos abala na! Panukalang batas na nagpapadali sa pagbayad ng buwis, lusot sa Senado

Layunin ng panukalang batas na padaliin at pabilisin ang pagbayad ng buwis.

Pasado na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2224, o ang Ease of Paying Taxes Act.

Layunin ng SBN 2224, na isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na repasuhin ang proseso sa pagbabayad ng buwis upang gawin itong mas mabilis at efficient.

Sa oras na maging batas, gagawing mas mabilis at madali ng SBN 2224 ang proseso ng pagbabayad ng buwis. Ito ay upang mas maengganyo ang mamamayang Pilipino na bayaran ang mga obligasyon nito sa gobyerno.

Halimbawa, papayagan sa ilalim ng panukalang batas na ito ang pagsusumite ng Income Tax Returns online o sa mga authorized na bangko. Papayagan rin ang online payment ng buwis.

Isa ang Ease of Paying Taxes Act ni Gatchalian sa mga panukalang batas na kabilang sa priorities measures na una nang tinukoy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.