Mayor Vico: K-12 learners ng Pasig, nakatakdang bigyan ng transpo allowance, school supplies, food packs mula sa LGU

Bibigyan ng P1,500 transportation allowance, school supplies, at food packs ang mga K-12 na mag-aaral sa public school sa Pasig City, ayon kay Mayor Vico Sotto

Makakatanggap ng P1,500 transportation allowance sa darating na linggo ang mga K-12 na mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Pasig City mula sa pamahalaang panlungsod, ayon kay Mayor Vico Sotto.

Sa kanyang post sa Facebook, sinabi ni Sotto na ipapamahagi ang transportation allowance simula Miyerkules, Setyembre 6 hanggang Biyernes, Setyembre 15.

Mamamahagi rin ang lungsod ng school supplies sa mga estudyante, ngunit nagkaroon lamang ito ng hindi inaasahang pagkakaantala, ayon sa alkalde.

“Hindi ko na muna idedetalye ang mga dahilan pero siguro masyado kami naging optimistic sa timeline at nagkulang sa buffer para sa mga aberya,” ani Sotto.

Kasama sa nagdulot ng pagkaantala ay ang disqualification ng supplier matapos magbigay ng maling bilang ng materyales, paliwanag pa ng alkalde.

“Ako po ay humihingi ng inyong pasensya. First time lang din natin ito; maasahan niyo na sa susunod na school year ay mas aagahan namin ang timeline,” ani Sotto. “Alam kong maraming gastusin pag magpapasukan, kaya sana makabawi ako sa inyo kahit papaano sa pamamagitan ng nasabing cash allowance.”

Samantala, ibinalita ni Sotto na patuloy ang pagbabahagi ng Malusog na Batang Pasigueño (MBP) package na mayroon pagkain, gatas, asin, bigas at bitamina, at ito ay on track.