May punto si sir! Mayor Vico, nagbigay ng payo sa mga botante para sa BSKE

May iboboto na o wala, baka makatulong ang mga tips ni Pasig City Mayor Vico Sotto kung sinong kandidato ang dapat iboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Lunes, Oktubre 30.

Nagbigay si Pasig City Mayor Vico Sotto ng kaniyang mga personal na tip sa pagboto ng mga opisyal para sa isang halalan, ilang araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa kaniyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Pasig City Hall noong Oktubre 16, hinimok niya ang lahat na “maging wise tayo sa pagpili” bago niya ipinaliwanag kung paano siya pumipili ng ilalagak sa posisyon.

Ayon kay Sotto, pipiliin niya ang tapat, matalino, at masipag na kandidato, lalo na kung obvious naman ito.

Gayunpaman, kung hindi raw nakasisigurado, marapat na silipin ang mga ginastos ng mga kandidato.

“Sa akin po, kung hindi tayo sigurado sino ba dyan ‘yung mas tapat, sino ba dyan ‘yung mas magaling… kung ako pipiliin ko nalang ‘yung mas bago. Pipiliin ko nalang ‘yung hindi gumagastos ng malaki.”

Paliwanag ni Sotto, “biggest red flag” raw ang paggastos ng malaki sa isang kampanya.

“Tandaan po natin ‘yan ang pinakamalaking red flag sa mga kandidato, mula sa taas, mula sa national hanggang sa barangay level, ang pinakamalaking red flag sa mga kandidato ay ‘yung gumagastos ng ubod ng laki,” saad niya.

Naka-post sa Facebook account ni Sotto ang video kung saan ipinaliwanag niya ang kaniyang mga saloobin sa pagpili ng iboboto.