May plano tayo: PPA, gagawa pa ng mga daungan para sa cruise tourism

Pinarangalan ang Pilipinas na Asia's Best Cruise Destination ng World Cruise Awards kamakailan lang, at tiwala ang Philippine Ports Authority na mas makikilala pa ang bansa sa cruise tourism kung magkakaroon pa ito ng mga daungan na sadyang para sa cruise ships.

Inanunsiyo ng Philippine Ports Authority (PPA) ang plano nitong gumawa pa ng mga bagong daungan o port na para sa cruise tourism matapos parangalan ang Pilipinas na Asia’s Best Cruise Destination ng World Cruise Awards.

Sa isang pahayang nitong Miyerkules, Oktubre 18, sinabi ni PPA General Manager Jay Santiago na plano ng ahensiya na gumawa ng mga port sa Coron, Siargao, Camiguin, Boracay, at Puerto Galera upang mabigyan ng mas magagandang karanasan ang mga turistang sakay ng cruise ships.

“Nagsimula na tayo na magtayo ng mga terminals na dedicated lang sa cruise operations. Sinisigurado natin na ang mga pantalan ay kakayanin i-accommodate ang mga naglalakihang cruise ships,” sabi ni Santiago.

Sa kasalukuyan, ang mga daungan para sa cruise ships ay nasa sumusunod na lugar lamang: Currimao sa Ilocos Norte, Salomague sa Ilocos Sur, Manila, Bohol, and El Nido sa Palawan.

Kung matutuloy ang plano, tiwala si Santiago na magiging sentro ng cruise tourism ang Pilipinas sa Asya.