May papalit na sa trabaho mo! ‘AI sportscasters’ ipinikilala ng GMA

Ipinakilala ng GMA sina Maia at Marco, mga AI sportscaster na umano'y magbabalita ng mga kaganapan sa larangan ng sports.

Inanunsiyo kamakailan ng GMA Network na gagamit ito ng mga sportscasters na may pinagagana ng artificial intelligence (AI) para sa coverage nito ng NCAA Season 99 basketball tournament.

Sa isang video kung saan nagpakilala ang mga nasabing AI sportscasters bilang sina Maia at Marco, sinabi ng dalawa na mamamahagi sila ng mga “latest news” sa larangan ng palakasan bilang parte ng “mas malaking misyon at malawak na paglilingkod ng GMA Integrated News.”

Marami naman ang umalma sa mga bagong robot ng GMA, dahil maaari na umano itong hudyat ng malawakang job displacement ng mga manunulat at journalists.

Sa isang Facebook post, sinabi ng sports analyst na si Mark Zambrano na naaalarma siya sa hakbanging ito ng GMA.

“This may add aesthetic appeal as a novelty but heart and soul in sports broadcast is invaluable in bringing the best experience to viewers,” paliwanag pa niya.

Nanindigan naman ang GMA sa paggamit kina Maia at Marco.

“Our goal is to develop a better way of delivering information to the evolving preference of our audience. Instead of seeing creativity and innovation as a threat, we hope that this initiative will start a healthy discourse on how generative AI could help news organizations improve the way we do modern journalism,” paliwanag ni Aileen Rae Perez, head of social for current affairs ng GMA News.