May pag-asa ‘yan! Pagpapalaya kay Mary Jane Veloso, posible pa rin—PBBM

Unang nakulong si Veloso sa Indonesia noong 2010 pa nang mahulihan ito ng 2.6 kilos ng heroin sa kaniyang bagahe. Nasentensiyahan siya ng bitay, subalit nabigyan ng panibagong pag-asa nang sumuko sa mga awtoridad ang mga recruiters nito.

Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. is na bibigyan ng Indonesia ng clemency “at the appropriate time” ang overseas foreign worker na si Mary Jane Veloso.

Iyan ay pagkatapos bigyan ng pangulo ng progress report si Indonesian President Joko Widodo tungkol sa kaso laban sa mga recruiters ni Veloso dito sa Pilipinas sa kanilang pulong nitong Miyerkules, Enero 10.

“President Ferdinand R. Marcos Jr. expressed hope that the progression of the case of Ms. Veloso will merit her clemency at the appropriate time,” saad ni Foreign Affairs Undersecretary Ma. Theresa Lazaro sa isang pahayag.

Unang nakulong si Veloso sa Indonesia noong 2010 pa nang mahulihan ito ng 2.6 kilos ng heroin sa kaniyang bagahe.

Nasentensiyahan siya ng bitay, subalit nabigyan ng panibagong pag-asa nang sumuko sa mga awtoridad ang mga recruiters nito.

Ayon kay Marcos, naibigay na ng Pilipinas sa Indonesia ang mga legal interrogatories mula sa Philippine Regional Trial Court upang masagot ni Veloso ang mga ito.

Nitong Kapaskuhan lang ay nakasama ni Veloso ang kaniyang pamilya sa tulong ng Department of Foreign Affairs at ng Philippine Embassy sa Jakarta.