May nakisakay na! Isa pang transport group, lalahok sa tigil-pasada rin sa Miyerkules

Sasali ang Manibela sa tigil-pasada ng PISTON bukas, Nobyembre 22, at itutuloy ang kanilang welga hanggang Biyernes, Nobyembre 24.

Nagkasa na rin ng tigil-pasada ang transport group na Manibela, at gaganapin ito ngayong linggo rin.

Ayon sa grupo, sasali sila sa tigil-pasada ng PISTON (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) bukas, Nobyembre 22, at itutuloy ang kanilang welga hanggang Biyernes, Nobyembre 24.

BASAHIN RIN: Paulit-ulit na lang: Transport group, ikinakasa muli ang tatlong araw na tigil-pasada kontra PUV Modernization

Sinabi rin ni Mar Valbuena, presidente ng Manibela, na una nang napagkasunduan ng Manibela at PISTON na sabay magprotesta simula nitong Miyerkules, Nobyembre 22. Gayunpaman, nagpasya ang huli na agahan ito.

Gaya ng PISTON, nananawagan rin ang Manibela na ihinto na ng pamahalaan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), pati na ang consolidation requirement nito.

Bingiyang-diin rin ni Valbuena na hindi pagparalisa sa transportasyon ang layunin ng grupo sa isasagawa nitong tigil-pasado.

Bagkus, ito aniya ay para pakinggan ng pamahalaan ang mga hinahing ng iba’t ibang transport group tungkol sa PUVMP.

“We are not doing this with the intention of making our kababayan suffer, we are doing this for us in the transport sector to be heard because what is at stake here is the main source of our livelihood,” paliwanag niya.