May naka-graduate, may repeater din: Higit 300k katao ‘graduate’ na sa 4Ps, samantalang 760k ang may kailangan pa nito–DSWD

May kabuuang 339,660 na pamilya na ang natulungang umangat sa kahirapan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno. Gayunpaman, 761,150 pa rin ang nananatiling lugmok sa kahirapan, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Inanunsiyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na batas sa kanilang pagsusuri, 339,660 na pamilya na ang pa-graduate na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno, samantalang 761,150 naman ang matatawag na repeater.

Ayon sa Social Welfare Undersecretary Edu Punay, ang mga graduate na mula sa 4Ps ay self-sufficient na at ieendorso sa kani-kanilang local government units upang mabigyan ng tulong gaya ng sustainable livelihood program upang magtuloy-tuloy ang kanilang pag-angat mula sa kahirapan.

Ang 761,150 na pamilya naman natira ay tatanggap pa rin ng 4Ps dahil hindi pa rin sila nakakaangat sa tinakdang poverty line ng ahensiya.

Paliwanag naman ni Punay, marami sa mga ito ay nakatakda na rin para sa graduation, subalit nalugmok uli dahil sa pandemya.

“Our department saw that they are still really poor and still need assistance under the 4Ps program,” sabi ni Punay.

Sa kabuuan ay mayroon 1.1 milyong benepisaryo ang binusising muli ng DSWD para sa naturang programa.