May mumu sa Palasyo! ‘Father Brown,’ pintong kusang sumasara, bumubukas, ikinuwento ni PBBM sa vlog

May ambag na kwento ng kababalaghan rin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong panahon ng Undas, na kanyang ibinahagi sa pinakahuling vlog.

Kung kwento lang ng kababalaghan ngayong Undas ang pag-uusapan, may ambag rin dyan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa pinakabagong episode sa kanyang vlog na inilabas noong Martes, Oktubre 31, sinariwa ni Pangulong Marcos ang kanyang karanasan sa Palasyo noong termino ng kanyang ama.

Ipinamalas rin ng Pangulo ang kanyang hilig sa kasaysayan nang ikwento niya ang simula ng Malacañan Palace.

Kasama ng Pangulo ang kanyang panganay na anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos sa video.

Kwento ng Pangulo, nagsilbing kwarto niya dati ang isang guest room na malapit ngayon sa State Dining Room kung saan ginagawa ang mga Cabinet meeting ngayon.

“Gabing-gabi na. Umuwi ako. Sinasara ko lang ‘yung pintuan mula du’n sa kuwarto ko. Pagbukas ko ba naman ng pintuan, nakita ko biglang gumalaw ‘yung mga upuan,” ayon sa pangulo.

“‘Di nagsisisigaw ako dito at tumakbo ako… Sinabi ko sa security, ‘May multo, may multo!'” sinabi pa ng Pangulo habang bungisngis.

“I still find that hard to believe,” hirit ni Sandro sa kanyang ama.

“Ay naku, it’s true,” tugon ng Pangulo.

Mayroon ring multo sa Palasyo na tinatawag ng mga nagtatrabaho sa Palasyo sa pangalang “Father Brown.” Di umanong kawani ng Palasyo si Father Brown noong panahon ng mga Amerikano at hindi na raw ito “umalis,” ayon sa Pangulo.

Ginigising daw ni Father Brown ang mga security personnel na nakakatulog sa gabi, kwento ng Pangulo.

Ikinuwento pa ni Pangulong Marcos ang iba pang pagkakataon na umano’y may mga pinto na sumasara at bumubukas ng kusa, pati ang paggalaw ng kaisa-isang chandelier na gumagalaw kahit sarado ang bintana at hindi nahahanginan.

Aminado ang Pangulo na kahit siya ay nakakaramdam ng kilabot kapag naglalakad mag-isa sa pamosong hagdan papasok ng Palasyo dahil tila may nagmamasid sa kanya.

“Paatras tuloy ako paakyat dahil nakakatakot. Dahil alam niyo naman kung minsan pag naglalakad ka nararamdaman mo ‘pag may nakatingin sa’yo o may sumusunod sa’yo,” ani Pangulong Marcos.