May mga snatcher na sa West Philippine Sea! Corals sa Rozul Reef, nilimas ng mga banyaga

Pinaghihinalaan ng AFP na pinagtatanggal ng Chinese vessels ang mga corals sa Rozul Reef, na pasok sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Ubos na ang mga naturally occurring corals sa Rozul Reef, na bahagi naman ng West Philippine Sea.

Hinala naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), China ang may gawa ng paglalagas sa mga nasabing corals, na napakaimportante sa marine life.

Ibinalita ni AFP Western Command commander Vice Admiral Alberto Carlos ang nakababahalang pangyayari sa “Saturday News Forum” na ginanap nitong Sabado, Setyembre 16, sa Quezon City.

Ayon kay Carlos, una nang namataan ng AFP ang mga Chinese vessels sa nasabing teritoryo.

“‘Yung swarming areas nila, we pinpointed it. And then when they left, we sent out our divers to do another water survey,” kwento ni Carlo sa Philippine News Agency. “And then nakita namin na wala nang corals. Nasira na ‘yung mga corals and then may mga debris.”

Ang Rozul Reef, na tinatawag ring Iroquios Reef, ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, kaya’t mariing kinondena ng AFP ang mga swarming activities ng China bilang “violation of Philippine sovereign rights and jurisdiction.”