May malalim na ugat? Away-pamilya, sinisipat na motibo sa lantarang pamamaril sa bus—PNP

Pangunahing suspek ng PNP ang sariling anak ng babaeng binaril nang malapitan sa loob ng bumabyaheng bus.

Isa ang away-pamilya sa mga sinisilip na motibo ng mga awtoridad sa likod sa garapalang pamamaril sa dalawang pasahero ng bus na bumabyahe pa-Maynila ilang araw na ang nakakaraan.

Sinabi ni Police Colonel Jean Fajardo, chief ng Public Information Office (PIO) ng Philippine National Police (PNP), na may hidwaan ang babaeng biktima at ang kaniyang anak, na nauwi pa sa demandahan.

Ayon kay Fajardo, kinasuhan ng babae ng carnapping ang kaniyang anak, na pansamantala namang nakalaya matapos magpiyensa.

“Medyo malalim po yung naging alitan ng mag-ina [na] maliban po dito sa alleged na pagfa-file ng kaso ng carnapping. But I’m not at liberty to discuss the other details para di po ma-compromise yung ongoing investigation,” kwento ni Fajardo sa isang panayam sa media.

Dahil diyan, itinuturing na suspek ng PNP ang sariling anak ng biktima.

“In the spirit of transparency, [ang anak] po yung tinitignan natin na isa sa mga posibleng may kinalaman although nakausap na din po ng mga imbestigador yung anak at sinasabing wala siyang kinalaman,” anang opisyal,” ani Fajardo.

Gayunpaman, sinabi rin ni Fajardo na sinisilip pa rin nila ang ibang mga anggulo, kagaya ng diumano’y nakaalitan ng mga biktima bago sila sumakay sa bus sa Isabela.

Matatandaang nag-viral na sa social media ang video ng pamamaril.