May laban tayo! Mananagot ang China sa pagsira sa corals sa Rozul Reef at Escoda Shoal – DOJ

Matapos ang masusing pag-aaral, desidido na ang Department of Justice na ihabla ang China sa ginawang pagsira at pagtangay ng Chinese militia sa mga corals sa sa Rozul Reef at Escoda Shoal.

Pananagutin ng Pilipinas ang ginawang pagsira at pagtangay ng Chinese militia sa mga corals sa Rozul Reef at Escoda Shoal noong Setyembre.

Iyan ang tiniyak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, na sinabing itutuloy na ng Pilipinas ang pag-file nito sa international tribunal ng environment case kontra Beijing.

“We were encouraged to pursue what we think is a good case to pursue on behalf not only of the Filipino people but the rest of humanity. It’s just a matter of organizing the evidence and showing it to the proper tribunal,” sabi ni Remulla sa isang press briefing tungkol sa naturang insidente, na ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay makakaapekto rin sa food security ng bansa.

Ayon sa Justice secretary, ang desisyong ituloy ang laban ay nabuo matapos siyang makipagpulong kina Philippine Coast Guard-West Philippine Sea spokesman Jay Tarriela, environmental lawyer Antonio Oposa, at dating solicitor general Francis Jardeleza.

Si Jardeleza ay kabilang sa legal team na naipanalo ang arbitration case ng bansa laban sa China sa harap ng Permanent Court of Arbitration is The Hague noong 2016.

Dagdag pa ni Remulla, inihahanda na ng DOJ ang kaso, at ipapasa ito sa unang bahagi ng 2024.