May katulong sa krisis: DSWD, handang tulungang ang mga tsuper na maaapektuhan ng modernisasyon

Pormal nang magsisimula ang Public Utility Vehicle Modernization Program, na 2017 pa isinulong, sa Enero 2024. Layon nitong palitan ang mga tradisyunal at lumang jeepney ng mga modernong sasakyan na pasok sa international standards.

Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa ang ahensiya na tulungan ang mga tsuper ng jeepney na maaapektuhan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa susunod na taon.

Ayon kay DSWD Program Management Bureau (PMB) Director Miramel Laxa, maaaring humingi ng tulong ang mga tsuper sa ilalim ng mga programa ng ahensiya para sa mga Pilipinong nakakaharap sa krisis.

“It is possible that they can avail of AICS (Assistance in Crisis Situation) since they can be categorized as in crisis,” sabi ni Laxa sa isang pahayag nitong Biyernes, Disyembre 29.

BASAHIN RIN: Wala nang atrasan, wala nang bawian: Konsolidasyon sa ilalim ng PUV Modernization Program, hanggang Disyembre 31 lamang—PBBM

Paglilinaw naman ni Laxa, one-time assistance lamang ang AICS.

“Availing of AICS can help them meet their basic needs through different forms of assistance such as food, and cash aid, among others,” aniya.

Bukod pa riyan, sinabi rin ni Laxa na may mga livelihood programs rin ang DSWD na maaaring makatulong sa mga tsuper na maaapektuhan ng modernisasyon.

BASAHIN RIN: Paano na lang ang commuter? Transport groups, kokontrahin si PBBM sa PUV modernization hanggang sa dulo ng walang hanggan!

Pormal nang magsisimula ang PUVMP sa Enero 2024.