May integridad dapat: Comelec, pinaalalahanan ang mga kandidato sa BSKE na maging tapat sa SOCE

Sa ilalim ng Republic Act No. 7166, lahat ng kandidato ay kailangang magsumite ng kanilang SOCE 30 araw matapos ang halalan.

Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng kumandidato noong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na maging tama at tapat sa kanilang isusumiteng Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs).

“Let us be honest, truthful, and have integrity in holding the position, which begins with the filing of your SOCEs. Otherwise, they may face perjury charges because all their documents are submitted under oath,” sabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing nitong Huwebes, Nobyembre 9.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7166, kailangang magsumite ang lahat ng kandidato ng kanilang SOCE 30 araw matapos ang halalan.

Kaugnay niyan ay sinabi rin ni Laudiangco na bawal ang overspending at iimbestigahan ng Comelec ang mga paglabag dito.

“If only you followed the lawful campaign materials, like posters, streamers, banners, and doing house-to-house campaigning, we believe the PHP5 per registered voter spending limit is adequate,” sabi niya. “Once we get reports that there is overspending, we will conduct an investigation and, if necessary, file election offense cases for overspending.”

Ang huling araw ng pagsumite ng SOCE ay sa Nobyembre 29.